OPISYAL NA LATHALAANG-ONLINE NG PUBLIKASYON NG MGA MAG-AARAL NG KOLEHIYO NG INHINYERIYA SA PAMBANSANG PAMANTASAN NG KATIMUGANG LUZON (SOUTHERN LUZON STATE UNIVERSITY), LUKBAN, QUEZON, PILIPINAS 4328
Penge naman ako n’yan
Tuesday, June 9th, 2009ni Loraine E. Jimenez
11:45 am. ‘Di pa ko tapos. Malapit na ang lunchbreak at nagwawala na rin ang sikmura ko. ‘Di pa ko nakapag-agahan at kinailangan kong umalis nang maaga kanina sa bayan namin. Sa unahan ko’y dalawang estudyanteng inabot na ng tanghalian sa pila. Nakakatakam na siopao. Sa nag-aalboroto kong tiyan, napapasulayap na lang ako sa kinakain nila. Mga mata ko’y tila ba nagsasabing, “Penge naman ako niyan!”
Habang matiyaga akong nakapila para magpa-assess sa gusaling MHDP:
Student 1: Nakakainis!!!
Student 2: Talagang nakakainis na! Biruin mo, inabot ako ng apat na araw pag-ienrol. Eh ang perang ibinigay ng tatay ko ay saktong pambayad, pamasahe at pangkain lang sa loob ng isang araw. Ipinangutang na nga lang ‘yung perang bigay sa ‘ken , nakapangutang pa tuloy ako kay ________(pangalan ata ng kakalase) ng dagdag na panggastos.
Student 1: Ako nga may naghihintay pa na trabaho sa ‘ken sa ‘min.
***
Student A: Ano ba ‘yan?! Parang palala nang palala ang enrolment eh!! Buti pa dun sa ibang college. Hmm.. makapag shift na nga…
(Alam ko’ng nagbibiro lang siya nang sinabi niya iyon pero nakalulungkot isipin na ‘yun pa ‘yung naisip niyang solusyon upang makaiwas sa abalang dulot ng mabagal na proseso ng enrolment.)
***
Base naman sa matagal ko’ng pagtayo, pag-upo, pagtayo ulit, pakikinig pagtatanong, sariling pag-oobserba at minsa’y pag-aanalisa, nagiging mabagal ang enrolment dahil:
- Hindi sapat ang dalawang computer at iisang printer na ginagamit sa pag-aassess. Kahit saang anggulo tingnan, mas magiging mabilis ang proseso kung may ’sapat’ na kagamitan para sa napakaraming enrollees ng engineering.
- Nagkakaroon ng singitan at palakasan sa mga taong nasa likod ng assessmentna na ‘unfair’ para sa mga estudyanteng nais lamang ng patas at maayos na proseso ng enrolment. Sabi ng iba, kanya-kanyang diskarter lang daw ‘yan.
- Kawalan din ng disiplina ng ilang estudyante na mag-enrol sa itinakdang araw at oras.
- Nang magkaroon ako ng pagkakataon na makita ang proseso ng pag-assess, nalaman ko na ang nakalagay na standing ng bawat estudyante ay nang nagdaan pang sem at kailangan pang isa isahin ang pag pick up ng subjects. At pag minalas ka, at hindi pa encoded ang grades mo sa sabdyek na prerekwisit ng sabdyek na kailangan mo mateyk, hindi ka pa makakapagpaassess.
- Walang nakahandang list ng mga regular students bawat year and sections kung kaya’t may ilang regular students na nakakasingit. Hindi marecognize agad ng nag-aassess kung sino ang regular at sino ang hind. Hindi naka block section ang arrangement ng mga subjects ayon sa program na ginamit.
- Kawalan ng kahandaan sa mga emergency situations. Tulad ng pagkakaroon ng brownout.
Dahil sa kailangang malinawan sa mga kaganapan, Nakipag-usap ang The Spark kay Dean Gonzales, nalaman namin na:
- May itinalaga si Pres. Gascon na dalawang committee heads para mamahala sa enrolment— Dr. Walberto Macaraan at Engr. Milo Placino.
- Kakaunti ang computer dahil iisang port lang bawat college ang ibinigay ng MIS.
- Anim na taon nang ganito ang sistema ayon kay Dean. Noon pa ay proposed system na ng enrolment subalit ito diumano ay tinututulan ng Registrar.
(Sa ngayon ay kinakailangan natin ang maliwanag na paliwanag mula sa Registrar, Dr. Macaraan at Engr. Placino).
***
HILAW NA KANIN…
sa isang subo napaso,
‘pag nguya, sabay luwa…
“University na pala, eh ba’t ganyan?!”, komento ng isang katoto.
magagaling daw sila..
Weh?! ‘di nga?!
Sa acads, oo. pero pag dating sa enrolment, HINDI. Sigurado!!!
Parang kaning kahit hilaw pa, pinilit na ihain.
“Anong aasahan mo eh public ‘yan?!”, sagot ng isang kaibigang alumni ng Lyceum of the Phil. nang minsang naglabas ako ng himutok sa enrolment.
“‘Yun na nga eh, public. Nakararami. Hindi ba’t mas dapat bigyang pansin ang nakararami? ‘yan, ‘yang sistemang yan, yan ba ang sinasabing serbisyo publiko?”
“Hindi lahat ng negative dapat ninyong isulat. Bigyan ninyo rin naman ng kahihiyan sa ibang departamento ang propesyong pinili ninyo”, paliwanag naman ng isang malapit na instructor sa akin dito sa inhinyera.
“Wala kaming gustong madiin dito at labas na po dito ang propesyong sinasabi ninyo. Ang nais lang naman nami’y marinig at aksyunan ang hinaing na ito”.
Sulyapan, limiin, ‘pag daan po ninyo. Walang lugar sa pag-iwas ‘pagkat nasa iisang gusali tayo.
Nais nami’y hindi lamang tiyan o kahit ano’ng pakitang-tao,
Sa tamang aksyon kami’y natatakam, umaasa ng PAGBABAGO,
SIR, MA’AM, maari po ba,
PENGE NAMAN KAMI NYAN??
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.


